Patay ang isang tauhan ng barangay makaraang makuryente habang nagkakabit ng ilegal na kuryente o jumper sa itaas ng poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Malabon City, noong Biyernes ng hapon.
Dead on the spot si Jomar Miranda, 43, ng No. 105 Pinagsabugan Street, Barangay Longos, dahil sa malakas na boltahe ng kuryente na pumasok sa kanyang katawan.
Ayon kay Malabon City Police deputy chief for operation Chief Insp. Lucio Simangan, inabot ng halos isang oras bago naibaba ng mga tauhan ng Meralco, Bureau of Fire Protection (BFP) at Malabon Rescue mula sa poste ng kuryente ang wala nang buhay na katawan ni Miranda.
Base sa report, dakong 4:00 ng hapon nang magpatulong si Miranda sa barangay tanod na si Joel Tamayo para buhatin ang hagdan upang makaakyat siya sa poste ng Meralco para ikabit ang jumper sa Block 1 sa Hito Street sa Bgy. Longos, Malabon City. Ngunit nasagi ni Miranda ang live wire at nakuryente siya. (Orly L. Barcala)