Posibleng ibasura na ng Sandiganbayan ang criminal at civil cases na kinakaharap ng namayapang si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay 3rd Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, hinihintay na lamang ng hukuman ang formal manifestation na inaasahang isasampa ng kampo ni Corona.
Aniya, hindi muna makapagdesisyon ang korte hanggang hindi pa nagsusumite ng apela ang mga abogado o pamilya ng dating punong mahistrado.
“We are waiting for formal manifestation coming from either his lawyer or his family informing us about his death.
His camp may also file a formal motion to dismiss the cases,” sabi ni Pulma.
Ikinokonsidera pa rin nilang nakabimbin sa korte ang mga kaso ni Corona hanggang wala pang naghahain ng mosyon sa anti-graft court.
Si Corona ay nahaharap sa kasong perjury sa Third Division at anim na bilang ng paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Nagawang isampa ng Office of the Ombudsman ang mga kaso noong Abril 2014 matapos ang umano’y misdeclaration of assets ni Corona sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALNs) para sa taong 2001 hanggang 2011.
Inamin din ni Pulma na ang pagkamatay ng isang akusado sa kaso ay isa sa dahilan ng pagbasura sa kaso, alinsunod na rin sa Article 89 ng Revised Penal Code (RPC). (Rommel P. Tabbad)