Nanawagan kahapon si Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria sa iba pang testigo na lumutang at huwag matakot upang makatulong sa imbestigasyon sa pagkamatay ng limang katao sa isang concert sa lungsod, nitong Linggo.
Sinabi ni Doria na kumpirmadong may nangyaring bentahan ng ilegal na droga, partikular ang ecstacy na nagkakahalaga ng P1,500 bawat tablet, sa labas at sa loob ng concert venue.
Ilang dumalo sa concert ang nakausap ng awtoridad at umaming gumamit sila ng droga bago dumalo sa nasabing konsiyerto.
Tiniyak ni Doria na gagawing confidential ang pagkakakilanlan ng mga testigo at maaari rin umano na mismong ang mga pulis na ang pupunta sa testigo kung natatakot itong magtungo sa himpilan ng pulisya.
Samantala, pinag-aaralan ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang posibleng paglabag ng concert organizers, partikular sa pagbebenta nito ng alak sa concert grounds.
Ayon kay Atty. Ray Glenn Agrazamendez, tagapagsalita ng pamahalaang lungsod, hindi umano humingi ng permit ang concert organizers para magbenta ng alak at ang inisyu lang na permit dito ay para magdaos ng naturang event.
Samantala, lumilitaw sa inisyal na pagsusuri ng PNP Crimelab ng Southern Police District (SPD) na multiple organ failure ang ikinamatay nina Ken Migawa, 18; at Eric Anthony Miller, 33, na kapwa inawtopsiya nitong Martes.
(Bella Gamotea)