ANG buwan ng Marso, bukod sa panahon ng tag-araw ay buwan din ng pagmartsa ng mga estudyante sa ilang mga paaralan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. At para sa pamilyang Pilipino, ang graduation sa anumang antas; pre-school, elementary, high school, at kolehiyo ay dapat ipagdiwang sapagkat para sa mga magulang, ang graduation ang pinakamasayang okasyon dahil isa itong tagumpay ng kanilang mga anak kung saan umaakyat ang mga ito sa entablado upang tanggapin ang kanilang diploma na magsisilbing katibayan na sila ay nakatapos. At sa mga mag-aaral, ang graduation ay isang makahulugan at makulay na yugto ng kanilang buhay. Sa mga mag-aaral sa high school, katuparan ng kanilang pangarap na makapagpatuloy sa kolehiyo at tuklasin ang karunungang hangad nilang makamit pagdating ng panahon. Sa mga mag-aaral naman sa kolehiyo, ang graduation ang simula ng panibagong landas na kanilang tatahakin sa realidad ng buhay. Kung susuwertehin, makapaglilingkod sa magulang, bayan at pamayanan.
↧