Inilunsad kahapon ng Department of Health (DoH)-MIMAROPA (Oriental/Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang Senior Citizen’s Fair bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng mga nakatatanda sa lipunan.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, ang fair ay idinaos sa kapitolyo sa Boac, Marinduque at dinaluhan ng may 400 senior citizen mula sa iba’t ibang munisipalidad at mga senior citizen organizations sa lalawigan.
Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang DoH-MIMAROPA, gaya ng ballroom dancing at group line dancing, gayundin ng Kisig at Gandang Walang Kupas pageant.
Ang kumpetisyon ay bukas sa mga residenteng edad 60 pataas at bona fide resident ng Marinduque.
Tiniyak naman ni Janairo na ang programa ay idaraos ng DoH sa limang lalawigan sa rehiyon upang isulong ang mga aktibidad, proyekto at mga serbisyo na tutugon sa pangangailangan ng matatanda, partikular na ang may kapansanan.
(Mary Ann Santiago)