Nagpahayag ng pagkabahala si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na posibleng makaapekto sa bilang ng botante na magtutungo sa mga polling precinct sa Lunes ang matinding init ng panahon.
Sinabi ni Bautista na may posibilidad na may mga botante na mag-atubiling bumoto sa Lunes dahil hindi makayanan ang sobrang init ng temperatura.
“I am worried about our weather. It’s hot! It may have an impact to our voter turnout because many could just choose not to vote if the lines are long and the weather is hot,” pahayag ni Bautista sa panayam.
Subalit tiniyak ng opisyal ng Comelec na hindi makaaapekto ang summer heat sa operasyon ng mga vote counting machine (VCM) na gagamitin sa halalan.
Isa pang pangamba ng poll chief ay ang pag-iimprenta ng mga voter’s receipt na posibleng magpaantala sa proseso ng pagboto. At dahil sa mahabang pila, posible rin aniyang mag-alisan na lang ang ilang botante sa polling precinct at hindi na bumoto.
Dahil dito, pinayuhan ni Bautista ang mga botante na magtungo sa mga polling precinct nang maaga upang makaiwas sa mahabang pila at mainit na panahon na nagsisimulang maranasan dakong 9:00 ng umaga.
Makabubuti, aniya, na maghanda na ang mga botante ng kodigo ng mga iboboto upang mapabilis ang pagboto.
Ang pinakamahalagang abiso ni Bautista sa mga botante: Magbaon din ng maraming pasensiya. (Leslie Ann G. Aquino)