Dadalhin sa Korte Suprema ngayong Huwebes ang labi ni dating Chief Justice Renato Corona para gawaran ng parangal.
Bibigyan ng arrival honors ang dating punong mahistrado bago ilagak ang kanyang labi sa Session Hall ng Supreme Court (SC) en banc.
Magdaraos ang SC ng necrological service para sa yumaong punong mahistrado ganap na 11:00 ng umaga, at magbibigay ng last respect ang kanyang mga nakatrabaho sa kataas-taasang hukuman.
Sa hapon naman magsasagawa ng necrological service ang Philippine Judges Association.
Papayagan din ang publiko na masilip ang labi ni Corona, na mananatili sa Korte Suprema hanggang kinabukasan.
Pagsapit ng 7:00 ng Biyernes ay ibibiyahe na siya pabalik sa Heritage Park sa Taguig City para sa libing.
Abril 29 nang pumanaw si Corona matapos atakehin sa puso. Siya ay 67 anyos. (Beth Camia)