Nakopo ng Team Philippines ang limang ginto, 12 pilak at anim na tansong medalya para makopo ang boy’s and girls individual / team standard championship sa 17th ASEAN+ Age Group Open Chess Championships kamakailan, sa Dusit Thani Hotel sa Pattaya, Chonburi, Thailand.
Pinamunuan ni National Master Alexander Lupian ang paghakot sa ginto ng Pinoy woodpushers sa nalikom na limang puntos mula sa tatlong panalo at apat na tabla.
Nakasosyo sa liderato ni Lupian ang silver medalist na si Van Huynh Ho ng Vietnam, ngunit nadaig niya ito sa tiebreak. Pangatlo si NM Edmundo Gatus na may solong 4.5 puntos.
Binitbit naman ng Pinay ang 1-2 placing sa girls class nang makamit nina Ruelle Canino at Daren dela Cruz ang podium sa nine round tournament tangan ang 7.5 at 6.5 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Kinumpleto ni Stephen Rome Pangilinan ang matikas na kampanya ng bansa nang pagwagian ang Open 14 laban kay Chinese Yifan Zuo.
Nagwagi naman ng silver medal sina Darry Bernardo sa O16, Pangilinan sa O14, Daniel Quizon sa O12, at Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy sa G15 habang nakatanso sina IM Paulo Bersamina sa O20, Mark Jay Bacojo sa 010 ASEAN, WIM Bernadette Galas sa combined G18-20, at Kylen Joy Mordido sa G14.
Namuno naman si Galas para sa G18-20 team event kasama sina Woman FIDE Master Marie Antoinette San Diego na nasa ikalimang puwesto sa indibidwal at WNM Jean Karean na tumapos na ika-12. – Angie Oredo