Quantcast
Channel: Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Viewing all articles
Browse latest Browse all 21384

SA MGA MAY KAPANSANAN: TULOY ANG LABAN

$
0
0

NASA 1.5 milyon ang People with Disabilities (PWDs) sa bansa sa ngayon, ayon sa Philippine Statistics Authority, bagamat tinaya ng World Health Organization sa 10 milyon ang kabuuang bilang ng mga may iba’t ibang physical at mental disabilities.

Inaprubahan ng Kongreso ang panukalang maglilibre sa mga PWD sa 12 porsiyentong Value-Added Tax (VAT), bukod pa sa 20 porsiyentong diskuwento na ginagarantiya sa Magna Carta for Disabled Persons, Republic Act 7277. Kapag nangyari ito, maihihilera na sila sa mga Senior Citizen na tumatanggap ngayon ng 32 porsiyentong total exemption, alinsunod sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, RA 9994.

Ang panukala sa Kamara ay inakda ni Rep. Martin Romualdez ng Leyte, habang ang bersiyon naman ng Senado ay inakda ni Sen. Ralph Recto. Agad na inaprubahan ng bicameral conference committee ang panukala na kapwa niratipikahan ng Kamara at Senado. Dapat na isinumite na ito sa Malacañang para lagdaan ni Pangulong Aquino, ngunit napaulat na pinigil ito ng tanggapan ng House Secretary General.

Maiuugnay ang kaso ng panukala sa PWD sa panukalang magdadagdag ng P2,000 sa buwanang pensiyon ng mga retirado ng Social Security System (SSS). Inaprubahan din ang SSS bill dahil sa nag-uumapaw na suporta sa dalawang kapulungan ng Kongreso rito, ngunit ibinasura ito ng Pangulo, na nagsabing ang pagkakaloob ng karagdagang halaga sa mga pensiyonado ay tiyak na sasaid sa SSS Investment Reserve Fund pagsapit ng 2029.

Sasapitin ba ng PWD bill ang nangyari sa panukalang SSS pension hike, dahil mababawasan nito ang VAT na makokolekta ng Bureau of Internal Revenue? Matatandaang ito rin ang nangyari sa panukalang magbabawas sa tax rate sa bansa; sinabi ng Pangulo na hindi siya kumbinsidong ang pagbabawas sa buwis ay magiging kapaki-pakinabang para sa mamamayan.

Sa kabila nito, umaasa ang iba’t ibang organisasyon na sumusuporta sa mga PWD sa bansa na makalulusot ang nasabing panukala. Ang mga may kapansanan ay nabibilang sa sektor ng lipunan na kadalasang napagkakaitan, anila. Malaki ang maitutulong ng VAT exemption sa mga kailangang bumili ng gamot at mabigyang lunas sa kanilang mga sakit, gaya ng cancer at sakit sa puso, anila.

Ngunit kailangan muna nilang himukin ang mga opisyal ng Kongreso na isumite ang panukala sa Malacañang. Kailangan nilang kumbinsihin ang Pangulo na lagdaan ito. Isa itong mahirap na trabaho, kung ikokonsidera ang mga sinapit ng mga panukala sa SSS pension at pagpapababa ng buwis, ngunit hinahangad natin ang pagtatagumpay ng sektor ng PWD sa isinusulong nilang ito. Malay natin? Sa mga huling araw ng administrasyon ay maaaring magbago ng ihip ng hangin para sa gobyerno at maunawaan na ang panukalang napakahalaga para sa isang sektor na gaya ng sa mga ay may kapansanan ay karapat-dapat na maisabatas upang mapakinabangan ito ng mga pinakanangangailangan.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 21384